--Ads--

Nakahanda na ang Lungsod ng Baguio sa pagsalubong sa Panagbenga Festival na magsisimula sa Linggo, Pebrero 1, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Vice Mayor Faustino Olowan, sinabi niyang handa na ang buong lungsod, kabilang ang kapulisan, mga volunteer, at ang mga lugar na pagdarausan ng iba’t ibang aktibidad. Magdo-double time ang mga pulis upang matiyak ang seguridad at maiwasan ang matinding trapiko, katuwang ang mga barangay sa pagtukoy ng mga rutang dadaanan at parking areas.

Ayon pa sa kanya, mapapanood din ang pagsalubong sa Panagbenga Festival sa Facebook Live para sa mga residenteng mas pinipiling manatili sa kanilang mga tahanan. Bagama’t wala pang inilalabas na babala ang Health Department kaugnay ng super flu, patuloy pa ring inirerekomenda ang pagsusuot ng face mask bilang pag-iingat.

Humingi naman ng paumanhin si Vice Mayor Olowan sa abalang maaaring idulot ng selebrasyon, lalo na ang matinding trapiko. Hinikayat din niya ang publiko na maglakad na lamang kung maaari upang hindi na makadagdag sa pagsisikip ng mga kalsada.

Samantala, sinabi niya na magdo-double time rin ang mga volunteer sa pagpapanatili ng kalinisan, kabilang ang paglalagay ng mga basurahan sa iba’t ibang lugar simula Sabado ng gabi upang maging maayos ang pagdiriwang kinabukasan.

Nagpaalala rin ang opisyal na huwag maningil ng parking fee sa mga bisita upang maiparamdam ang mainit na hospitalidad ng lungsod ng Baguio, at nagbigay ng babala sa mga masasamang-loob na maaaring samantalahin ang selebrasyon.| via Bombo Jay-an Gabrillo