--Ads--

Ipinanukala ni Councilor Yuri Weygan ang isang ordinansa na naglalayong palakasin ang VISITA bilang opisyal na web-based tourism application ng lungsod. Layunin nitong pahusayin ang pamamahala sa turista, itaguyod ang lehitimong negosyo sa turismo, magbigay ng cashless transactions, at suportahan ang sustainable tourism sa pamamagitan ng sentralisadong digital platform.

Magsisilbi ang VISITA bilang hub para sa impormasyon at serbisyo ng turismo, kabilang ang listahan ng mga accredited hotel, homestay, restaurant, tourist spots, at events, pati na rin online registration, booking, at cashless payment ng permits at fees. Ipapakita rin nito ang kultura, pamana, at industriya ng sining ng Baguio bilang UNESCO Creative City, at magsisilbing platform para sa safety advisories, ordinances, at feedback mechanism.

Pangangalagaan ng City Administrator’s Office sa pamamagitan ng Tourism and Special Events Division ang operasyon, content management, accreditation, at promosyon ng app, kasabay ng pagpapatupad ng Data Privacy Act. Mandatoryong mairehistro ang lahat ng tourism establishments sa VISITA.

Itinatag din ang tourism trust fund mula sa kita ng app tulad ng booking fees, advertisements, at iba pang charges, para sa maintenance ng VISITA at iba pang proyekto sa turismo.

Ang ordinansa ay naaprubahan sa unang pagbasa at kasalukuyang sinusuri ng Committee on Tourism, Special Events, Parks, and Playgrounds ng Baguio City Council.