BAGUIO CITY- Naghihintay pa rin ang mga tanggapan ng COMELEC ng karagdagang resolusyon at alituntunin mula sa COMELEC National hinggil sa paraan ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) at iba pang isyu na may kinalaman sa halalan ngayong taon.
Kasunod ito ng unang pagpapalabas ng Resolution No. 11191, o Calendar of Activities, para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Elenita Julia Tabangin-Capuyan ng COMELEC-Cordillera, ang mga inisyal na guidelines na ipinatupad noong nakaraang taon ay gagamitin muna ngayong taon habang naghihintay ng karagdagang alituntunin. Nilinaw niya na inilabas ang resolusyon upang ihanda ang mga kandidato at botante.
Binigyang-diin din ng opisyal na ang sinumang maghahain ng COC ay ituturing na kandidato, at ang mga magsasagawa ng premature campaigning ay maaaring kasuhan ng election offense.
Ayon sa Resolution No. 11191:
Paghahain ng COC: Setyembre 28 – Oktubre 5, 2026
Panahon ng kampanya: Oktubre 22 – Oktubre 31, 2026
Panahon ng halalan: Oktubre 3 – Nobyembre 9, 2026
Araw ng halalan: Nobyembre 2, 2026
Deadline para sa paghahain ng COCE: Disyembre 2, 2026











