BAGUIO CITY – Humingi ng paumanhin noong Pebrero 26, 2027 ng hapon ang guitar entertainer na si Romeo Ogong, na kilala bilang “Southern Cowboy” mula sa Visayas, sa mga nainsulto sa kanyang mga naging biro sa pagdiriwang ng Ibaloy Day noong Pebrero 23.
Ang paghingi niya ng tawad ay kasunod ng kanyang gender-based jokes kung saan sinabi niyang marami umanong “malalandi” sa Baguio at hindi raw ito problema dahil kung hindi umano sa kalandian ay hindi dadami ang populasyon doon.
Dagdag pa niya, kung magugustuhan umano ng mga kababaihan ang kanyang talento at nanaising magkaroon ng “henerasyon” sa Baguio City, handa raw siyang mag-donate ng kanyang ‘semen.’
Sa isinagawang press conference, iginiit ni Ogong na wala siyang intensyong bastusin ang anumang sektor o komunidad sa Baguio City sa pamamagitan ng kanyang mga biro.
Ayon sa kanya, hindi siya nagtungo sa lungsod upang magdulot ng hidwaan sa opinyon ng publiko, lalo na kung mauuwi ito sa isyung may kinalaman sa pulitika—isang bagay na aniya’y hindi makabubuti.
Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ni Ogong na hindi siya aalis sa rehiyon ng Cordillera at magpapatuloy siya sa pag-awit at pagtatanghal.
Sa mga nagdaang araw, may ilang grupo ang nanawagan na ideklara siyang persona non grata sa Baguio City dahil sa kanyang mga pahayag. Naghain na rin ng resolusyon ang isang konsehal upang ideklarang persona non grata ang entertainer.
May mga sumusuporta sa naturang panawagan, habang ang iba naman ay naniniwalang sapat na ang kanyang public apology.
Samantala, nauna nang ipinaliwanag ng isang konsehal at abogado ng lungsod na hindi basta-basta nagdedeklara ng persona non grata ang pamahalaang lungsod ng Baguio.











