Dinagsa ng mga residente at turista sa lungsod ng Baguio ang ginanap na Himig Hataw Night Concert na hatid ng Bombo Radyo at Star FM sa Upper Session Road sa Baguio City kahapon ng hapon.
Naging tampok sa nasabing konsiyerto ang mga mahuhusay na mang-aawit at mananayaw, kabilang ang Keenetix Street Dance Crew na binubuo ng mga estudyante na nagpamalas ng kanilang talento sa pagsasayaw.
Napanood at napakinggan din ng mga dumalo ang pagtatanghal ng mga lokal na mang-aawit tulad nina Mikee Diaz mula Kalinga, Kristen Gragasin ng Ifugao, at Drei Cornelio ng Baguio City, pati na rin ang Baguio Gold at The Trio na nagbigay-aliw sa mga manonood.
Ayon sa Baguio Gold, labis ang kanilang kasiyahan dahil nabigyan sila ng pagkakataong makapag-perform sa Himig Hataw Night.
Hindi rin nabawasan ang kasiyahan ng mga Ka-Bombo sa mga palaro na may mga premyo tulad ng 30-litro na Orocan ice box, isang printer, mga gift certificate, Bombo at Star FM T-shirts, at iba pang papremyo.
Kasabay nito ang makulay na grand fireworks display bilang pormal na pagtatapos ng Panagbenga Festival 2026.
Muling isasagawa ang Himig Hataw Night Concert sa susunod na taon upang patuloy na makapaghatid ng saya at aliw sa mga Ka-Bombo sa Baguio City at sa mga turistang bumibisita sa lungsod.











