Mag-uumpisa sa Lunes, March 16, ang pagpapatupad ng four-day work week sa lungsod ng Baguio.
Ito ay bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang ipatupad ang apat na araw na work week sa ilang ahensya ng pamahalaan upang makatulong sa pagtitipid ng enerhiya sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng direktiba, magpapatupad ang mga tanggapan ng binagong iskedyul ng trabaho, kabilang ang mas mahabang oras ng trabaho mula Lunes hanggang Huwebes at mga alternatibong setup gaya ng work-from-home tuwing Biyernes, habang tinitiyak na mananatiling available sa publiko ang mahahalagang serbisyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, napag-usapan na nila ang nasabing estratehiya kahapon at inaasahang matatapos at maipapinal ngayong araw kung anong sistema ang kanilang ipatutupad.
Aniya, posibleng ipatupad ang compressed work week, kombinasyon ng hybrid system, o work-from-home setup upang ma-maximize ang serbisyo sa publiko.
Pag-uusapan naman ng mga administrative officer ang mga detalye ng implementasyon nito sa bawat departamento.











