LA TRINIDAD, Benguet — Arestado ang apat na kalalakihan matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱11.7 milyong halaga ng hindi rehistradong cooking oil sa isinagawang operasyon sa Barangay Puguis, La Trinidad, Benguet noong Marso 26, 2026.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Baguio City Field Unit ang operasyon, katuwang ang Food and Drug Administration (FDA), Bureau of Fire Protection (BFP), Sanitation Unit ng La Trinidad, at iba pang ahensya.
Sa ulat ng mga awtoridad, nahuli umano sa aktong nagbebenta at namamahagi ng hindi rehistradong mantika ang suspek na kinilalang “Harold,” may-ari ng establisimyento, kasama ang tatlo nitong empleyado na sina “Den,” “Jay,” at “Jop.”
Ayon sa CIDG, ang mga produktong nasamsam ay hindi dumaan sa tamang proseso ng pagsusuri at walang kaukulang lisensya at permit, kaya itinuturing na substandard.
Ito ay paglabag sa Republic Act No. 9711, na nagbabawal sa paggawa, pagbebenta, at pamamahagi ng mga food at health products na walang pahintulot mula sa FDA.
Binigyang-diin ng naturang ahensya na ang ganitong uri ng produkto ay posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko dahil hindi tiyak ang kalidad at kaligtasan nito.
Bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng CIDG laban sa mga ilegal na produkto sa buong bansa, alinsunod sa direktiba ni Jose Melencio C. Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police.
Pinuri rin ng CIDG ang mga operatiba mula sa Regional Field Unit 14 sa pamumuno ni PLTCOL Brendon B. Palisoc at ang Baguio City Field Unit sa pangunguna ni PMAJ Reagan S. Oriña sa matagumpay na operasyon.
Muling iginiit ng CIDG ang kanilang panawagan sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang mapigilan ang pagkalat ng mga ilegal at mapanganib na produkto.










