
BAGUIO CITY – Inihayag ni Mayor Benjamin Magalong na aabot sa 270,000 ang bilang ng maanomalyang proyekto sa bansa mula pa noong 2016.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng alkalde, ang pinakamalaking anomalya ay nagsimula noong 2022, kung saan mula sa naturang bilang, 30,000 ang flood control projects at 210,000 ang mga problemadong road opening projects.
Kabilang sa mga ito ang ₱557 milyong proyekto ng kalsada sa Ongasan, Loakan Proper, na tinawag ni Magalong na “the most expensive road opening in the entire country and in the history of road building.”
Aniya, nakakagulat ang pondong inilaan para sa naturang proyekto, lalo na’t lumalabas na parang hindi pa umaabot sa dalawang kilometro ang haba ng kalsada.
Ayon kay Mayor Magalong, patuloy na iniimbestigahan ng Baguio City Police Office Investigation Unit ang proyekto, at may nakitang anomalya kung saan halos ₱250 milyon ang ginastos sa bawat isang kilometro ng kalsada.
Idinagdag pa niya na may mga anomalya rin sa solar lights at road safety devices na hindi napapansin, at ito rin ang isa sa mga tinututukan ng kanilang imbestigasyon sa kasalukuyan.










