Nagkasundo ang United States at Iran sa isang ceasefire deal noong Martes, ilang oras bago ang itinakdang deadline ni Donald Trump upang tugunan ng Iran ang kanyang mga kondisyon.
Sa ilalim ng kasunduan, agad na ipatutupad ang tigil-putukan kung saan pansamantalang ititigil ng U.S. at Israel ang pambobomba sa Iran sa loob ng dalawang linggo. Kapalit nito, nangako ang Iran na muling bubuksan ang Strait of Hormuz para sa ligtas na pagdaan ng mga sasakyang pandagat habang umiiral ang ceasefire.
Naging posible ang negosasyon sa tulong ng Pakistan, at itinuturing itong malaking pagbabago mula sa naunang babala ni Trump na maaaring magkaroon ng malawakang pagkasira kung walang kasunduan bago ang deadline.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Trump na “double-sided ceasefire” ang napagkasunduan at nakamit na umano ng U.S. ang kanilang mga layuning militar. Dagdag pa niya, malapit na rin ang isang pangmatagalang kasunduan para sa kapayapaan sa Iran at sa Gitnang Silangan.
Ibinunyag din ng pangulo na naghain ang Iran ng isang “workable” 10-point peace plan na kinabibilangan ng mga dating pinagtatalunang isyu na napagkasunduan na umano ng magkabilang panig. Ang karagdagang panahon ay gagamitin upang tuluyang pinalinaw at maisapinal ang kasunduan.
Samantala, itinuring din ng mga lider ng Iran ang ceasefire bilang tagumpay, at sinabi ng kanilang Supreme National Security Council na halos lahat ng layunin ng digmaan ay nakamit.
Ayon sa mga opisyal ng Iran, kabilang sa kanilang mga kondisyon ang pagtanggal ng lahat ng parusa at resolusyon ng United Nations laban sa bansa, pagpapalaya ng mga naka-freeze na asset sa ibang bansa, pag-alis ng pwersang militar ng U.S. sa rehiyon, pagbibigay ng kompensasyon, at pagkilala sa karapatan ng Iran sa nuclear enrichment.











