--Ads--

Iginiit ng isang abogado sa Baguio na walang legal na batayan ang tinatawag na “protective custody” na ibinigay ng Senado kay Ronald “Bato” dela Rosa upang maiwasan ang kanyang pagkakaaresto.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Edgar Avila, isang legal luminary at dating Dean ng College of Law ng Saint Louis University, sinabi nitong malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na hindi maaaring arestuhin ang isang miyembro ng Kongreso kung ang kaparusahan sa kasong kinakaharap ay anim na taong pagkakakulong pababa. Ngunit sa kaso ni Senador Dela Rosa, lumalampas umano sa anim na taon ang posibleng parusa kung siya ay mapapatunayang nagkasala.

Gayunman, may umiiral umanong tinatawag na “institutional courtesy” sa Senado kung saan maaaring manatili muna ang isang senador sa loob ng Senado habang may sesyon, hanggang sa ideklara ang adjournment.

Ayon pa kay Atty. Avila, ang nangyari noong Miyerkules ay isang kaso ng “wrong time, wrong place, at wrong person,” dahil hindi umano naikoordina nang maayos ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang pagpunta sa GSIS Building. Para sa kanya, may pagkukulang ang hepe ng Office of the Sergeant-at-Arms.

Samantala, sinabi rin niyang posibleng managot ang pamunuan ng Senado kung mapapatunayang nagkaroon ng “Obstruction of Justice,” lalo na kung tuluyang makatakas si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Dagdag pa niya, maaaring magkaroon ng pananagutan si Alan Peter Cayetano kung mapapatunayang nagkaroon ng “Obstruction of Justice” kaugnay sa pagsisilbi ng warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.