Boluntaryong nagsurrender ang driver ng motorsiklo na may angkas na sumagasa sa lalaking nakahiga sa kalsada matapos itong mabangga ng isang taxi noong madaling-araw ng September 6, 2026.
Sa video na na-post sa social media, makikita ang isang lalaking nakahiga sa kalsada na tila hindi gumagalaw.
May dalawang motorsiklo ring nagmenor at tumigil, habang may isang van na nagmaniobra dahil hindi ito makadaan bunsod ng aksidenteng nangyari.
Ilang minuto lamang ang lumipas, umandar ang isa sa mga motorsiklo at aksidenteng nasagasaan ang biktimang nakahiga sa kalsada. Makikitang tumalbog pa ang motorsiklo at ang angkas nito matapos ang insidente.
Sa pakikipanayam ng Bombo Radyo kay PCpt. Adilido Terminez, Ofiicer in Charge ng Baguio City Police Office Station 5, galing umano sa BGH ang biktima nang makasalubong at mabangga ng taxi. Dahil dito, natumba at napahiga sa kalsada ang driver ng motorsiklo.
Habang nagmaniobra ang isang van, umandar naman ang isang pulang NMAX at pinatakbo ito, dahilan upang aksidenteng masagasaan ang biktimang nakahiga sa kalsada.
Ang biktima ay kinilalang 20-anyos at residente ng Pucay, Bakakeng Norte, Baguio City, habang ang suspek, na driver ng motorsiklo, ay residente rin ng lungsod.
Ayon kay PCpt. Terminez, base sa pakikipanayam ng mga awtoridad sa suspek, hindi umano nito napansin ang biktimang nakahiga sa kalsada dahil kinakausap nito ang kaniyang backrider.
Nagkaroon lamang umano ng kaunting komosyon ng bumalik ang suspek upang humingi ng tawad, ngunit naprovoke umano ito, na naging dahilan upang mauwi sa kaunting pisikalan ang insidente.
Sa ngayon, boluntaryong nagsurrender ang suspek kaninang hapon matapos makita ng kaniyang asawa ang viral video at napagkasunduan nilang sumuko sa mga awtoridad.
Sa eksklusibong panayam kay PCpt. Terminez, ang motorsiklo at lisensya ng suspek ay naka-for safekeeping.
Binigyan din umano ito ng citation ticket para sa reckless imprudence resulting in physical injury.
Kasama rin sa isinailalim sa safekeeping ang taxi na naunang sangkot sa insidente.
Kasalukuyan pang ipinapaalam ng mga awtoridad sa biktima ang boluntaryong pagsuko ng suspek at aalamin kung interesado pa itong magsampa ng kaso.
Ayon pa sa opisyal, naka-confine pa umano ang biktima matapos ma-fracture ang dalawang paa nito.
Samantala, ang taxi na naunang nakabangga sa biktima ay napagkasunduang ayusin na lamang sa pamamagitan ng pag-aareglo.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa naturang insidente upang mas mabigyang-linaw ang buong pangyayari.//Bombo Noveh Organo









