--Ads--

Hinihikayat ng Kabataan Partylist Cordillera ang publiko na makilahok sa isasagawang kilos-protesta sa Lunes bilang pag-alala sa pagdedeklara ng Martial Law.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gabriel Siscar, spokesperson ng Kabataan Partylist Cordillera, sinabi niyang nakahanda na ang kanilang grupo para sa kilos-protesta.

Magsisimula ang pagkilos alas-5 ng hapon mula sa UP Baguio at tutungo sa People’s Park sa Malcolm Square.

Inaasahan ng grupo ang paglahok ng libo-libong indibidwal, kabilang ang mga kabataan, guro, estudyante, artist group at iba pang sektor.

Ayon kay Siscar, pangunahing layunin ng kanilang pagkilos ang pag-alala sa mga naging paglabag sa karapatang pantao, kawalan ng pananagutan at korapsyon noong panahon ng Martial Law.

Iginiit din niya na nakikita nila ang pagkakatulad sa sistema ng pamahalaan noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa Kabataan Partylist Cordillera, hindi umano nagbabago ang sistema ng pamamahala dahil nananatili ang political dynasties, korapsyon at umano’y pagnanakaw sa likas na yaman ng bansa.

Hiling ng grupo ang pagbabago sa tinatawag nilang bulok na sistema ng bansa.

Samantala, sinabi ni Siscar na hindi sila kuntento sa mga hakbang ng administrasyon laban sa korapsyon, dahil ang mga napapanagot umano ay pawang “small fish,” gaya ng ilang engineer at regional director, habang hindi pa sapat ang mga napapanagot na tinatawag nilang “big fish.”