--Ads--

Kinasuhan sa City Prosecutor’s Office ang isang admin aide I na 35-anyos at residente ng Bakakeng Central, Baguio City matapos umanong manakit ng isang 68-anyos na lalaki na residente rin ng San Carlos Heights, Baguio City.

Nangyari ang insidente sa loading at unloading area ng Abanao Street sa Baguio City. Ayon sa ulat, naganap ang insidente noong Pebrero 6, 2026 ngunit kamakailan lamang ito naiulat sa pulisya.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ng complainant na pagkababa niya ng sasakyan ay naglakad siya at bigla na lamang nawalan ng malay. Nang magkamalay siya, nasa ospital na siya at tinatahi na ang sugat sa kanyang ulo. Tinulungan din umano siya ng kanyang manugang.

Nang tanungin niya kung ano ang nangyari, sinabi ng manugang na hindi rin nito alam ang detalye ng insidente. Gayunman, habang nasa ospital, nilapitan umano sila ng suspek at inamin na itinulak niya ang complainant matapos umano siyang tadyakan ng matanda. Ayon pa sa suspek, nagtamo rin siya ng fractured ribs.

Nag-usap ang dalawang panig ngunit hindi umano makapagpasya kung magsasampa sila ng reklamo laban sa isa’t isa.

Noong Pebrero 14, bumalik sa ospital ang matanda kasama ang kanyang apo upang ipatanggal ang tahi sa kanyang ulo. Gayunman, noong Pebrero 16 ay muli silang bumalik sa ospital matapos makaranas ang complainant ng pananakit ng ulo. Pinalabas din siya kinabukasan ngunit patuloy pa rin umano siyang nagrereklamo ng matinding sakit ng ulo.

Dahil sa lumalalang kondisyon, dinala siyang muli sa Baguio General Hospital. Subalit dahil sa kakulangan ng available na hospital beds, inilipat siya sa Pines City Doctors Hospital kung saan siya na-admit at na-diagnose na may subacute subdural hemorrhage sa right frontoparietal area. Dahil dito, sumailalim siya sa operasyon.

Noong Pebrero 28, nagtungo ang complainant sa himpilan ng pulisya kung saan lumabas sa CCTV footage na habang naglalakad ang complainant ay bigla umano niyang hinampas ang suspek, dahilan upang matumba ito.

Salungat umano ito sa inisyal na pahayag ng suspek sa pulisya.