“Huwag nilang titigilan ang pagsisikap na mag-aral.”
Ito ang naging mensahe ni Engr. Michael John Valdez Labiano para sa mga kabataang nangangarap makapagtapos ng pag-aaral.
Si Engr. Labiano ang Top # 6 sa katatapos lamang na 2024 Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination.
Anak siya ng mag-asawang sina Emilio Labiano Jr., isang driver, at Violeta Labiano, isang negosyante, mula sa Tagudin, Ilocos Sur.
Bata pa lamang, kapansin-pansin na ang kanyang talino. Nagtapos siya bilang valedictorian noong elementarya at with honors naman noong high school.
Sa kolehiyo, nagtapos siya bilang cum laude sa kursong Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering sa Benguet State University sa La Trinidad, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyang-diin ni Engr. Labiano ang kahalagahan ng pag-aaral, na aniya’y nagsisilbing pundasyon para sa mas madali at epektibong paghahanda sa pagrerebyu at pagkuha ng licensure examination.
Ayon kay Engr. Labiano, hinangad talaga niyang maging topnotcher sa nasabing pagsusulit upang maging isa sa mga maipagmamalaki ng kanyang unibersidad.
Gayunpaman, inamin niyang nawalan siya ng pag-asa at kumpiyansa habang kumukuha ng pagsusulit dahil sa hirap nito. Sa katunayan, inakala pa niyang babagsak siya.
Habang pauwi siya sa kanilang lugar, nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang kaibigan na nagbalita sa kanya na siya ang pumuwesto bilang Top # 6 sa Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination.
Ayon kay Engr. Labiano, labis siyang nagulat at taos-puso ang kanyang pasasalamat sa Diyos dahil hindi niya inaasahan ang naging resulta ng pagsusulit.
Ibinahagi rin niya na ang kanyang mga magulang ang naging pangunahing inspirasyon niya, dahil palagi silang sumusuporta sa kanya. Malaki rin ang pasasalamat niya sa kanyang mga kaibigan na nagsilbing cheerleaders at sandalan tuwing siya’y nakakaranas ng hirap at lungkot.
Narito ang karagdagang mensahe ni Engr. Michael John Valdez Labiano.
Si Engr. Labiano ay may nakatatandang kapatid na nakapagtapos rin ng kolehiyo at isang board passer bilang psychometrician.