--Ads--

BAGUIO CITY – Patuloy ngayong dinadagsa ng maraming turista ang Mt. Pulag, ang ikalawang pinakamataas na bundok sa bansa, kasabay ng patuloy na pagbaba ng temperatura sa nasabing bundok partikular sa nasasakupan ng Kabayan, Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Emerita Albas, Superintendent ng Mt. Pulag National Park, sinabi nito na naranasan ang andap o frost nitong mga nakaraang araw dahil sa malamig na klima na umaabot sa dalawa hanggang apat na degrees celsius.

Ayon sa kanya, ilan sa mga turista ay nakaranas ng hypothermia lalo na yung mga maagang nagpupunta doon.

Dahil dito, nagpapatupad ngayon ng ilang hakbang ang mga organizer at trecker para maprotektahan ang kanilang kalusugan tulad ng pagddala ng mga thermal blanket.

Bukod dito, hindi pinapayagan ang camping tuwing weekend at holidays sa camp site dahil sa malaking bilang ng mga bisita na dumadagsa sa nasabing pasyalan.

Ani Albas, mas maganda ang home stay dahil mas ligtas ito para sa kanila.

Pinapayuhan din ng pamunuan ang mga bisita na magdala ng mga winter clothes gaya ng gloves, muffler at mini-thermos at iba pang mga bagay upang maiwasan ang chills.

Ayon pa kay Albas, mandatory ang seminar orientation at medical check-up sa mga turista, bago umakyat sa nasabing pasyalan upang matiyak na nasa mabuting kondisyon ang mga ito.

Samantala, umapela si Albas sa publiko na bisitahin lamang ang tourist spot tuwing Lunes hanggang Biyernes upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko at maiwasan ang pagkaantala ng mga residente sa nasabing lugar.//Marinel Rodrigo