Naglabas ng isang mahabang pahayag sa kanyang Facebook account si Angel Locsin kung saan hayagan niyang kinuwestiyon ang mga naging paninindigan at aksyon ni Senador Robin Padilla sa ilang isyung pampulitika.
Sa kanyang post, binalikan ni Locsin ang mga panahong magkasama sila at ang mga kuwento umano ni Padilla tungkol sa kanyang naging pakikibaka para sa bayan. Ayon sa aktres, natuwa siyang makita ang pagiging tapat ng senador sa ilan nitong naging pahayag.
Gayunman, tinanong ni Locsin kung bakit hindi umano siya ipinagtanggol ni Padilla noong siya ay nirerred-tag, sa kabila ng aniya’y alam nitong walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya.
Binanggit din ni Locsin na isa sa mga dahilan kung bakit sinuportahan ng maraming Pilipino si Padilla ay ang inaasahang pagiging matapang na boses nito para sa mga kapatid na Muslim. Gayunpaman, kinuwestiyon niya ang umano’y mas matinding pagtatanggol ng senador kay Apollo Quiboloy kaysa sa iba pang mahahalagang isyu.
Ipinahayag din ng aktres ang kanyang pagkadismaya sa naging paninindigan ni Padilla kaugnay ng China, na aniya’y taliwas sa makabayang personalidad na dati niyang hinangaan.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nanawagan si Locsin sa senador na pagnilayan ang kanyang mga paninindigan at iginiit na ang utang na loob ng mga lider ay sa Diyos at sa sambayanang Pilipino, at hindi lamang sa iisang tao.











