Apat na indibidwal ang nasawi dahil sa electrocution sa Baguio-Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Laarni Ilagan, Community Relations Associate ng Benguet Electric Cooperative (BENECO), sinabi niyang naitala sa tanggapan ang mga insidente mula pa noong Enero ngayong taon.
Dalawa sa mga biktima ay mula sa Bokod, Benguet, habang ang iba naman ay construction worker.
Dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa suplay ng kuryente, pinaigting ng BENECO ang kanilang Public Awareness Campaign upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.
Mas mainam umano na agad mag-ulat sa kanilang tanggapan kung may mapansing gumagalaw na poste, nakalaylay na kawad, o iba pang bagay na maaaring makaapekto sa linya ng kuryente.
Binigyang-diin din niya na bukas ang kanilang opisina sa publiko para sa mga nais magpaabot ng reklamo o concern. Maaari ring magpadala ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng BENECO sakaling magkaroon ng problema kaugnay sa suplay ng kuryente.
Samantala, batay sa datos ng kooperatiba, umabot sa 24 na indibidwal ang naitalang nakuryente noong 2024, mas mababa kumpara sa 35 na naitala noong nakaraang taon.
Nagpaalala rin ang BENECO sa publiko na maging maingat sa paghawak o paglapit sa anumang pasilidad ng kuryente at agad iulat ang anumang panganib upang maiwasan ang aksidente.











