BAGUIO CITY – Dismayado si 2019 SEA Games arnis broze medalist Eza Rai Cael Yalong matapos bawiin ang panalo niya laban sa Cambodia.
Una rito, indineklarang panalo ang Igorota arnis athlete matapos ang laban nila ng atleta ng Cambodia sa livestick event 55-60kg women’s division sa arnis.
Gayunman, matapos ang isang oras ay pinatawag ito at sinabi na talo siya base sa pag-review ng mga judges sa video ng kanilang laro kasunod ng pagprotesta ng kampo ng Cambodia.
Sinabi ni Yalong na hindi man lang ipinatawag ang kanyang coach at hindi ipinaliwanag o sinabi sa kanya kung bakit binawi ang kanyang panalo laban sa Cambodia at iginiit niya na hindi tama ang ginawang pag-review sa kanyang huling laro.
Aniya, dahil dito ay naging bronze medal na lang ang natanggap nito.
Iginiit niya na para sa kanya ay siya ang nanalo at sa loob ng maraming taon na paglalaro niya ng arnis ay ngayon lamang SEA Games nangyari sa kanya ang nasabing insidente.
Hangad din niyang makausap si Sen. Juan Miguel Zubiri, presidente ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation ukol sa nasabing isyu.
Bagaman dismayado si Yalong, sinabi niyang wala siyang magagawa sa naging desisyon ng mga judges at kahit masakit ay tatanggapin niya dahil ginawa niya ang lahat.
Sinabi niya na mahigpit siyang magsasanay para sa gold medal sa susunod na SEA Games dahil ang pagkatalo niya ay hindi dahilan para sukuan niya ang mga pagsubok sa hinaharap.