--Ads--

Ipatutupad ang apat na araw na workweek sa Atok, Benguet simula sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Atok Mayor Franklin Smith, mananatiling bukas ang lahat ng opisina at ahensya mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7:40 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi.

Bagama’t saklaw ng hakbang ang lahat ng tanggapan, nilinaw ng alkalde na naka-standby o “on-call” pa rin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang tumugon sa anumang emergency.

Para naman sa antas ng barangay, pinayuhan ang mga opisyal na ipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang nasasakupan kung kinakailangan.

Samantala, wala pang namomonitor na pagtaas sa pasahe sa Atok, ayon sa mga kinauukulang tanggapan.

Gayunpaman, tiniyak ng alkalde na makikipag-ugnayan siya sa Land Transportation Office sakaling may matanggap na reklamo ang kanyang opisina.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon.