--Ads--

Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency–Cordillera Land Transportation Interdiction Unit (PDEA-CAR LTIU) ang isang babaeng ex-convict matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Naybo, Poblacion, Buguias, Benguet noong Hulyo 31, 2025.

Aabot sa humigit-kumulang 110 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu ang nakumpiska mula sa suspek, kabilang ang dalawang sachet na ibinenta umano nito sa isang undercover agent na may timbang na 51.2 gramo. Bukod dito, nakumpiska rin sa kanya ang labindalawang sachet pa ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 58.8 gramo, gayundin ang ilang drug paraphernalia.

Kinilala ni PDEA-CAR Regional Director Derrick Arnold C. Carreon ang suspek na 40-anyos at residente rin ng nasabing lugar. Hindi inilabas ng mga awtoridad ang kanyang pangalan, ngunit kinumpirma nilang dati na itong may kaso kaugnay sa ilegal na droga.

Kakaharapin ng suspek ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng koordinasyon at pagtutulungan ng PDEA-CAR Regional Special Enforcement Team, mga tanggapan ng PDEA sa Baguio/Benguet at Mt. Province, PNP Drug Enforcement Group, at Benguet 1st PMFC.