--Ads--

BUGUIAS, Benguet – Nilinaw ng Barangay Anti-Drug Abuse Committee (BADAC) ng Baculongan Norte ang isang lumabas na social media post na nagsasaad ng umano’y pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga sa kanilang barangay noong taong 2024.

Ayon sa naturang post, na isinulat ng isang anonymous participant, may isang mag-asawang may dalawang anak at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na gumagamit umano ng ipinagbabawal na droga.

Dagdag pa rito, mapapansin umano ang paggamit ng droga ng naturang mag-asawa dahil sa kanilang biglang pangangayayat mula sa dating maayos nilang pangangatawan.

Bukod dito, madalas din umano silang mamili ng aluminum foil sa isang tindahan—isang bagay na karaniwang ginagamit sa pagkalas ng droga.

Ibinunyag pa ng anonymous participant na alam niya ang pangalan ng mga drug user at drug pusher sa kanilang barangay ngunit hindi niya ito maireport sa mga pulis dahil sa takot para sa kanyang seguridad.

Samantala, nilinaw naman ng BADAC na wala silang natanggap na opisyal na ulat hinggil sa sinasabing paggamit ng droga sa kanilang barangay.

Nagpasalamat din sila sa nag-post dahil sa pagpapahayag ng kanyang saloobin ngunit binigyang-diin na hindi totoo ang akusasyong tahimik lamang ang barangay captain at iba pang opisyal sa usaping ito.

Pinabulaanan din nila ang pahayag na ang biglang pagbabago sa katawan ng isang tao ay indikasyon na gumagamit ito ng droga, at iginiit na hindi ito sapat na batayan upang akusahan ang sinuman.

Kaugnay nito, nagsagawa na ng customary dialogue ang BADAC kasama ang mga benepisyaryo ng 4Ps at mga may-ari ng tindahan upang linawin ang isyu.

Ayon sa mga tindero, ang aluminum foil ay karaniwang nabibili tuwing may mga espesyal na okasyon, at wala silang alam kung may ibang gumagamit nito sa maling paraan.

Dahil dito, hinimok ng BADAC ang publiko na iulat nang direkta sa mga awtoridad ang anumang impormasyon ukol sa paggamit o pagbebenta ng iligal na droga, kasabay ng pagpapatunay ng sapat na ebidensya.

Panawagan sa Publiko

Pinayuhan din nila ang publiko na iwasan ang paglalabas ng mga akusasyon sa social media, dahil maaari itong makasira sa reputasyon ng mga inosenteng mamamayan.

Bagaman may mandato ang BADAC na magmonitor at mag-verify ng impormasyon ukol sa iligal na droga, nilinaw nilang wala silang kapangyarihang magsagawa ng operasyon o manghuli ng mga hinihinalang gumagamit o nagbebenta ng droga.

Sa halip, sila ay katuwang ng mga awtoridad sa pagsasagawa ng rehabilitasyon at pagsugpo sa iligal na droga sa kanilang komunidad.

Aminado naman ang BADAC na maaaring may mga kakulangan at lapses sa kanilang panig, ngunit iginiit nilang hindi nila kayang resolbahin ang problema ng droga nang sila-sila lamang kundi kailangan ang suporta, kooperasyon, at aktibong partisipasyon ng publiko.

Naiintindihan din nila na ang publiko ay naghahangad ng agarang resulta, kaya’t kinikilala rin nila ang social media bilang isang epektibong paraan ng pagpapahayag ng saloobin.

Gayunpaman, pinaalalahanan nila ang publiko na may tamang proseso at koordinasyon na dapat sundin upang masolusyunan ang anumang isyu nang mas epektibo.