--Ads--

Nilagdaan ng John Hay Management Corporation (JHMC) at ng Technical Education and Skills Development Authority–Cordillera State Institute of Technical Education (TESDA–CSITE) ang isang kasunduan upang palakasin ang mga programang magpapabuti sa kasanayan at lakas-paggawa ng komunidad sa pamamagitan ng pagtatatag ng John Hay Training Center.

Ang naturang partnership ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan kasabay ng pagdiriwang ng ikapitong founding anniversary ng TESDA–CSITE.

Ayon kay JHMC President at CEO Manjit Singh Reandi, ang Training Center ay magsisilbing sentro ng pagkatuto at pagpapaunlad ng kasanayan ng mga indibidwal.

Ang programa ay nakaayon sa inisyatibang “Training to Trabaho in Action” ng TESDA, na naglalayong ihanda ang mga kalahok sa mas matibay na kinabukasan at mas maraming oportunidad sa trabaho.

Nakasaad sa MOU na ang mga trainees ay sasailalim sa masinsinang hands-on training, workplace immersion, at mga pagkakataon sa upskilling upang maging mas mapagkumpitensya matapos ang Skills Development Program at matulungan sila sa agarang paghahanap ng trabaho.