BAGUIO CITY- Ipinanukala ni Councilor Fred Bagbagen ang ordinansa na layong pabilisin ang proseso ng permit para sa mga proyekto ng telecommunications at internet infrastructure sa Baguio, gamit ang Executive Order No. 32-2023 at Joint Memorandum Circular No. 2023-01. Layunin nito ang mas kaunting red tape, time-bound approvals, at mas maayos na digital connectivity.
Saklaw ng panukala ang lahat ng aplikasyon para sa construction, installation, repair, o expansion ng telecom at internet facilities, kabilang ang cell towers, poles, aerial at underground fiber installations, at iba pang kaugnay na estruktura.
Ang City Buildings and Architecture Office (CBAO) sa pamamagitan ng Business One-Stop Shop (BOSS) ang magiging sentral na tanggapan sa pagtanggap at pagproseso ng aplikasyon, kasama ang koordinasyon ng iba pang city offices at barangay, alinsunod sa itinakda ng EO 32 at RA 11032.
Ipinagbabawal ng ordinansa ang dagdag na dokumento, clearance, o bayad na hindi nakasaad sa batas, at ipinatutupad ang zero-backlog policy—automatic approval sa kompletong aplikasyon kung hindi naaksyunan sa itinakdang panahon.
Magtatalaga rin ang Mayor ng focal person o technical working group para i-monitor ang compliance at magsumite ng ulat sa City Council at national agencies. Maaaring panagutin sa administratibo, sibil, o kriminal ang sinumang lalabag sa ordinansa.
Naaprubahan ang panukala sa unang pagbasa noong Enero 26, 2026 at inirefer sa Committee on Public Utilities, Transportation, and Traffic Legislation para sa karagdagang pagsusuri.











