Baguio City- Malugod umanong tatanggapin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kung siya ang itatalaga upang pamunuan ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang ambush interview, tinanong ang alkalde kung handa niyang tanggapin ang alok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pamunuan ang isang independent commission na magsisiyasat sa mga anomalya sa flood control projects ng DPWH. Tugon ni Magalong, hihintayin muna niya ang magiging desisyon ng pangulo dahil hanggang ngayon ay wala pa siyang natatanggap na pormal na abiso.
Nang tanungin naman kung sino ang nais niyang makasama sa binubuong independent commission sakaling siya ang mamuno, ito ang kanyang naging tugon.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng kumpirmasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng umano’y paglahok ni Mayor Magalong sa binubuong independent commission. Sa isang ambush interview sa Zambales, sinabi ng pangulo na hindi pa tapos ang pagbuo ng komisyon at hihintayin muna nilang maging pinal ang plano bago ito ilahad sa publiko.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang binubuong Independent Commission to Investigate Flood Control Anomalies ay tutukoy sa mga iregularidad, pananagutin ang mga sangkot, at ibabalik ang tiwala ng publiko sa paggastos para sa imprastraktura.
Samantala, naghihintay pa rin si Mayor Magalong ng imbitasyon mula sa Kongreso o Senado kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects. Aniya, kung sakaling magkasabay ang imbitasyon, mas pipiliin niyang dumalo sa Kongreso.
Matatandaang nagsumite si Magalong ng isang document folder kay Pangulong Marcos na sinasabing naglalaman ng impormasyon hinggil sa mga iregularidad sa ilang flood control projects. Bagama’t hindi pa detalyado ang nilalaman nito, matagal nang sinasabi ng alkalde na kanyang ihaharap sa pangulo ang naturang ebidensya.
Una rito, sinabi ni Magalong sa ilang panayam na posibleng masangkot ang 57 na mambabatas sa mga proyekto ng ahensya.