--Ads--

Dismayado si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kawalan umano ng aksiyon ng National Water Resources Board (NWRB) sa estratehiya ng lungsod para sa pamamahala at regulasyon ng mga deepwell bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.

Ayon kay Magalong, isinumite na sa NWRB noong Agosto ang estratehiyang binuo kasama ang Baguio Water District (BWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang stakeholders.

Tinatayang nasa 900 ang mga illegal deepwell sa lungsod. Sa ilalim ng plano, may mga deepwell na isasara habang ang iba ay posibleng panatilihin at bigyan ng kaukulang permit upang matugunan ang pangangailangan sa tubig sa mga lugar na kulang ang suplay mula sa BWD.

Iginiit ni Magalong na nasa NWRB ang awtoridad na magpasara ng mga ilegal na deepwell, kaya nais niyang mabigyan din ng kapangyarihan ang lokal na pamahalaan na tumulong sa pagpapatupad ng regulasyon.

Samantala, sinabi ng alkalde na mas handa ang Baguio ngayon sa posibleng epekto ng Super El Niño kumpara sa naranasang krisis sa tubig noong nakalipas na dalawa’t kalahating taon, dahil sa pag-recharge ng groundwater at aquifer at pagdami ng mga lehitimong deepwell.

Gayunman, binigyang-diin niyang kailangan ang agarang aksiyon ng NWRB upang matiyak ang maayos na pamamahala sa mga pinagkukunan ng tubig ng lungsod.