Mariing inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi siya tatakbo sa anumang lokal o nasyonal na posisyon sa susunod na halalan, maging ang sinuman sa kanyang pamilya.
Ayon sa alkalde, walang katotohanan ang mga ulat na siya ay posibleng kumandidato bilang senador sa ilalim ng partido ni Vice President Sara Duterte, dahil hindi umano sila kailanman nagkaroon ng pag-uusap hinggil dito.
Iginiit ni Magalong na ang mga alegasyon ay bahagi ng paninira laban sa kanyang pangalan. Ito ay kasunod ng mga lumabas na impormasyon na umano’y nagmamay-ari siya ng ilang negosyo sa lungsod tulad ng hotel, restaurant, parkway, at mga taxi unit.
Binigyang-diin ng alkalde na ang mga naturang paratang ay gawa-gawa lamang ng ilang tiwaling opisyal upang sirain ang kanyang pangalan sa publiko.
Dagdag pa niya, mananatili siyang nakatuon sa paglilingkod sa Baguio City, kung saan siya ipinanganak at lumaki.
Samantala, sinabi ni Magalong na nakatuon ang kanyang kasalukuyang adbokasiya sa pagsusulong ng mabuting pamamahala o good governance.
Aniya, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lugar sa bansa upang makipagdayalogo sa mga kabataan at mga umuusbong na lider, bilang bahagi ng kampanya laban sa lumalalang korapsyon.
Ibinunyag din ng alkalde na mula taong 2016 ay aabot sa 240,000 ang mga proyektong may anomalya, kung saan pinakamalaki umano ang naitala noong 2022.
Sa naturang bilang, halos 30,000 ang may kinalaman sa flood control projects habang nasa 210,000 naman ang may kaugnayan sa mga isyu sa road opening.
Aminado si Magalong na kanyang kinababahala ang posibleng pagbabalik sa kapangyarihan ng mga tiwaling opisyal pagsapit ng 2028, na aniya’y responsable sa bilyun-bilyong pisong katiwalian sa pondo ng gobyerno.
Sa kabila nito, tiniyak ng alkalde na magpapatuloy siya sa kanyang kampanya para sa malinis at tapat na pamahalaan









