Ipinagmamalaki ng lungsod ng Baguio ang pagiging modelo sa iba pang bahagi ng Pilipinas pagdating sa pagpapatupad ng regulasyon laban sa paninigarilyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor Elmer Datuin, bahagi ito ng mas malawak na layunin ng lungsod para sa sustainable development.
Aniya, hindi lamang sa bansa nakatatanggap ng parangal ang Baguio kundi pati na rin sa ibang bansa, kabilang ang Ireland. Ipinahayag ni Datuin ang kanyang kasiyahan na mabigyan ng pagkakataong ipresenta ang Baguio City Anti-Smoking Ordinance sa mga konsehal sa Pilipinas bilang modelo ng maayos na implementasyon.
Kinilala ni Datuin na may ilang naninigarilyo sa lungsod, ngunit naniniwala siyang posibleng hindi sila residente dahil “aware” umano ang mga residente sa mga regulasyon at ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Ayon sa opisyal, ang pangunahing hamon sa ngayon ay ang pagpasok ng mga sigarilyo sa lungsod sa anumang paraan. Bukod sa tradisyunal na sigarilyo, isa sa mga bagong hamon ang vape—isang device na pinapagana ng baterya na nagpapainit ng likido upang makalikha ng aerosol na nilalanghap ng gumagamit.
Bagama’t mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lungsod sa pamamagitan ng pagsisikap ng Public Order and Safety Division (POSD) at iba pang awtoridad, iginiit ni Datuin na ang mga indibidwal ay maaari lamang makabili ng vape o e-cigarettes sa mga online platform. Gayunpaman, paalala niya na bawal pa rin ang paninigarilyo sa lungsod, kahit na madali itong mabili sa merkado.





