BAGUIO CITY – Nagbubunyi ngayon ang lungsod ng Baguio matapos nitong mapanatili ang kampeonato sa katatapos lamang na Cordillera Administrative Region Athletic Association 2023.
Sa resulta kasi ng nasabing palaro, nakakuha ang Baguio City Lions ng 199 na gold, 116 silver at 53 bronze medals.
Pangalawa naman sa pwesto ang Apayao Division na nakasungkit ng 52 gold, 49 silver, at 81 bronze medals.
Nasa pangatlong puesto naman ang Benguet na nakakuha ng 34 gold, 57 silver at 53 bronze medals.
Ang mga nanalo sa nasabing Cordillera Administrative Region Athletic Association 2023 ang magre-represent sa rehion sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Marikina City sa July 29 hanggang August 5 ngayong taon.
Kaugnay nito, binati naman sa pamamagitan ng Bombo Radyo Baguio ni City Administrator Engr. Bonifacio Dela Peña ang mga atleta na lumahok sa nasabing palaro.
Pinasalamatan din nito ang mga magulang at kawani mga lokal na gobyerno lalo na ang Department of Education –Cordillera sa matagumpay na pagtatapos ng nasabing regional athletic event.
Umaasa ang opisyal na mas maganda pa ang magiging performance ng mga atleta ng Baguio City at Cordillera sa papalapit na Palarong pambansa.