BAGUIO CITY — Mariing kinondena ng Baguio City Sports Community ang lahat ng uri ng bullying, harassment, pananakot at pang-aabuso na ginagawa ng mga atleta laban sa kapwa atleta, coach, opisyal, kasamahan sa koponan o sinumang miyembro ng komunidad.
Sa inilabas na pahayag, binigyang-diin ng grupo na dapat maging ligtas na lugar ang sports kung saan nahuhubog ang disiplina, teamwork, respeto at pakikipagkaibigan.
Iginiit ng Baguio City Sports Community na walang sinumang atleta ang dapat gumamit ng kanilang posisyon, impluwensiya, lakas o kasikatan upang manghiya, manakot, mang-isolate o manakit ng ibang tao.
Ayon sa grupo, ang pagiging mahusay na atleta ay hindi lamang nasusukat sa dami ng medalya o panalong nakukuha sa mga kompetisyon. Mahalaga rin umano ang pagkakaroon ng mabuting karakter, respeto sa kapwa at tunay na sportsmanship.
Binigyang-diin din nila na hindi kailanman maaaring maging dahilan ang talento o mga nakamit sa palakasan upang bigyang-katwiran ang bullying o anumang mapang-abusong pag-uugali.
Nanawagan ang grupo sa lahat ng atleta, coach, sports organization, magulang at tagasuporta na magkaisa laban sa bullying at tumulong sa paglikha ng isang ligtas, inklusibo at magalang na sporting environment para sa lahat.
“Walang lugar ang bullying sa sports,” mensahe ng grupo, kasabay ng panawagan na manaig sa lahat ng pagkakataon ang respeto, malasakit at sportsmanship.
Mariing ipinahayag ng Baguio City Sports Community ang kanilang paninindigan laban sa bullying at anumang uri ng pang-aabuso sa larangan ng palakasan.
