Baguio City- Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod na idaraos sa Baguio City ang 9th International Farm Tourism Conference Philippines mula Marso 4–6, 2026, na may temang “Highland Harvest: Cultivating Sustainable Tourism and Agriculture.”
Sa ilalim ng Executive Order No. 16, series of 2026, inatasan ni Mayor Benjamin Magalong ang lahat ng lokal na departamento at opisina na magbigay ng suporta para sa matagumpay na pagdaraos ng conference.
Itinalaga ang City Tourism, Culture and Arts Office bilang city-level coordinator at tagapaghanda ng welcome dinner sa Marso 6, habang ang City Budget Office ay magsusuri ng pondo para sa gastusin ng proyekto.
Ang Baguio City Police Office ang gagawa at magpapatupad ng security plan, traffic management, VIP escort, at 24/7 security sa mga delegates at venue. Pinayagan din ng City Buildings and Architecture Office ang libre at maayos na paglalagay ng advertising materials sa pangunahing kalsada.
Aktibong makikilahok ang City Veterinary and Agriculture Office sa pamamagitan ng pagpaparehistro ng mga opisyal at pagtulong sa pamamahagi ng imbitasyon sa mga farm tourism stakeholders tulad ng mga farm owners, farmers, aquaponicists, aquaculturists, at mga hobbyist. Dumalo rin ang mga miyembro ng City Council Committee on Market, Trade and Commerce at Agriculture.
Ang City Health Services Office–Emergency Medical Service at City Disaster Risk Reduction and Management Office ay magbibigay ng medical at emergency standby personnel.
Ang City Public Information Office ang mangunguna sa pinakamalawak na impormasyon tungkol sa conference at kikilos para maengganyo ang media na i-cover ang mga aktibidad.
Hinikayat din ang mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, negosyo, at pribadong sektor na makiisa at magbigay ng suporta para sa tagumpay ng kaganapan.











