--Ads--

Baguio City – Nag-ukit ng kasaysayan ang Filipino pride at racing sensation na si Inigo Navarrete Anton matapos niyang maiuwi ang dalawang panalo sa mga nilahukang international races.

Si Anton ang kauna-unahang Pilipino na nanalo sa Overall Rookie Championship ng Formula 4 racing. Pagkatapos nito, naiuwi rin niya ang gintong medalya sa isa pang prestihiyosong kompetisyon.

Tubong Baguio City, si Anton ay sinasanay ng kanyang coach na si dating F1 driver Alex Yoong, sa ilalim ng kanyang paggabay ay napanalunan ni Anton ang SEA F4 Rookie Championship laban sa mga magigiting at mahuhusay na race drivers mula sa labing-isang bansa.

Ang mga panalo ni Anton ay nakamit niya sa mga F4 race tracks ng Sepang International Circuit sa Malaysia, Buriram International Circuit, at Bangsaen Street Circuit sa Thailand.

Matapos ang kanyang historic win, agad na lumipad si Anton sa Sri Lanka bilang kinatawan ng Pilipinas. Dito, muli niyang pinatunayan ang galing matapos masungkit ang gold medal sa Asia-Pacific Motorsports Competition, kung saan tinalo niya ang 32 professional drivers sa nasabing karting slalom event.

Ang gold medal ni Anton, kasama ng iba pang medalya ng kanyang mga kasamahan — one gold, two silvers, at two bronzes — ay sapat upang tanghalin ang Team Philippines bilang overall champion.

Nagtapos naman sa silver finish ang host country na Sri Lanka, habang Malaysia ang nakakuha ng bronze medal.

Ang biannual event ay dinaluhan ng mahigit 210 racers mula sa 26 bansa na lumahok sa iba’t ibang motorsports disciplines gaya ng karting, crosscar, gymkhana, at e-sports.