Baguio City- Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman ngayon ng Baguio speed racer na si Iñigo Anton dahil magiging bahagi siya at kakatawan bilang nag-iisang Pilipinong lalahok sa Formula Trophy Malaysia, na magsisilbing karera bilang support race sa pagbabalik ng Formula 1 sa Petronas Sepang International Circuit sa Malaysia, na isasagawa sa Oktubre 2 hanggang 4 ngayong taon.
Ayon sa Baguio race car champion na si Anton, isang dream come true para sa kanya ang mapabilang sa Formula 4 o F4, na magsisilbing support race ng Formula 1, at makasama ang ilan sa pinakamalalaking koponan at mga pangalan sa mundo ng Formula 1 racing.
Ayon pa sa kilalang race car driver, isa na ito sa pinakamalalaking hamon sa kanyang karera bilang atleta sa motorsport, kung saan magiging daan ito upang maipamalas niya ang kanyang husay at galing at maiangat pa ang kanyang status sa larangan ng karera.
“Definitely, the pressure is a lot more. I always keep saying to myself, as the years go by, this year will be the hardest. This will be the biggest race of my life and my racing career,” paliwanag ni Anton.
Tiniyak naman ng champion racer na mananatili siyang nakapokus sa kanyang paghahanda dahil alam niyang maraming malalaking grupo at mga sponsor ang nag-aabang at nagsasagawa ng scouting o paghahanap ng mga bagong driver para sa mga top tier na karera.
Pinasalamatan din ni Anton ang kanyang pamilya na laging nakaalalay at sumusuporta sa lahat ng kanyang dinadaluhang karera dito sa bansa at abroad.
“I’m very lucky that my family, my parents are very supportive of what I’m doing.”
Patuloy ang paggabay ng kanya si coach Alex Yoong, isang beteranong motorsport driver at dating Malaysian Formula One racing driver
Pinasalamatan naman ng kanyang ina na si Karen Anton, na nagsisilbi rin na kanyang Race Manager, ang mga Filipino fans na patuloy na sumusuporta sa kanila at nagbibigay ng lakas sa bawat karera ng kanyang anak.
Hiniling din ni Karen ang patuloy na panalangin ng mga tagasuporta para sa kaligtasan at tagumpay ni Iñigo sa kanyang paglahok sa naturang karera.
Ayon naman sa kanyang ama at coach na si Carlos Anton, isa ring race car champion, handa na si Iñigo sa nalalapit na karera dahil taglay niya ang sapat na disiplina at teknikal na kaalaman.
Katuwang ni Anton sa kanyang motorsport journey ang Motul, Alpinestars, Yokohama, Axle Sports, Blu Coffee Distributors, Time Master Watches, at Infiniteserv Int’l Corporation.
