Bombo Radyo Baguio

Bakanteng posisyon sa SK, appointment na ang proseso sa ilalim ng bagong batas

Ipinaliwanag ng isang abogado na kapag nabakante ang chairmanship sa Sangguniang Kabataan (SK), awtomatikong uupo ang unang kagawad upang mapunan ang naturang posisyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Elenito Julia Tabangin-Capuyan ng COMELEC Cordillera, sinabi nito na succession ang umiiral na proseso sa ganitong sitwasyon.

Noon, kapag hindi nakumpleto ang komposisyon ng SK, isinasagawa ang special elections sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at COMELEC. Ngunit sa ilalim ng Republic Act No. 12326 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., appointment na ang magiging proseso sa pagpuno sa bakanteng posisyon.

Ayon kay Atty. Capuyan, ang appointment ay isasagawa ng city mayor o municipal mayor sa pamamagitan ng paghahain ng kinakailangang certification para sa appointment.

Aniya, isa sa mga advantage ng bagong batas ay mas matipid ito kumpara sa dating proseso dahil appointment na lamang ang gagawin upang mapunan ang bakanteng posisyon sa SK.

Nakasaad din sa bagong batas ang pangangailangan para sa pagdalo sa mga seminar at conference para sa capacity building at training ng mga SK official. Layunin nitong matiyak na patuloy na mapapaunlad ang kanilang kaalaman at kakayahan dahil mas mahaba na ang termino ng mga opisyal.

Inaatasan din ang pagsasagawa ng capacity-building programs para sa mga SK at barangay official upang patuloy silang magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan sa kanilang tungkulin.

Samantala, sinabi ni Atty. Capuyan na kung kulang ang quorum ng SK, awtomatikong hindi nito magagamit ang pondo ng konseho. Sa ganitong sitwasyon, maaari umanong makilahok ang mga SK official sa mga planning at activities ng barangay.

Sa pamamagitan nito, maaari pa ring magkaroon ng representasyon ang SK habang hindi pa natutugunan ang kakulangan sa quorum.

Binigyang-diin din niya na dapat manatili ang willingness to serve sa publiko ng mga SK official, kahit pa umabot na sila sa edad na hindi na sakop ng SK.

Samantala, ipinaliwanag ni Atty. Capuyan na sa ilalim ng bagong batas, itinuturing na isang termino ang bagong haba ng panunungkulan.

Kung ang isang SK official ay kasalukuyang nagsisilbi sa termino sa ilalim ng dating batas, maaari pa umano siyang tumakbo sa 2028 elections dahil sakop pa siya ng dating batas. Mag-a-apply umano ang bagong batas pagkatapos ng naturang halalan.

Exit mobile version