BAGUIO CITY – Pinaghahandaan ngayon ng mga magsasaka sa Atok, Benguet ang epekto ng frost dahil sa tumitinding lamig sa Benguet.
Ito ay dahil sa patuloy na pagbagsak ng temperatura sa nasabing lugar na tinatayang umaabot sa 10 degrees celcius o mas mababa pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atok Mayor Franklin Smith, inaasahang bababa pa sa 8 degrees celcius ang temperatura sa nasabing lugar sa mga susunod na araw.
Sinabi pa nito na nabigyan na ng paalala ang mga magsasaka na paghandaan ang banta ng lumalamig na klima para maiwasan ang posibleng epekto nito sa mga pananim.
Ayon pa kay Mayor Smith, isa sa mga paraan na ginagawa ng mga magsasaka ay maaga nilang dinidiligan ang kanilang mga pananim na gulay para matunaw ang mga yelo na bumabalot sa mga ito bago pa ang pagsikat ng araw para hindi malusaw o malanta ang mga ito.
Matatandaang kahapon ay naitala ang pinkamababang temperatura sa lalawigan ng Benguet kabilang ang Baguio City dahil sa epekto ng hanging Amihan kung saan naitala ang 12.1 degrees celcius sa La Trinidad, Benguet at 12.9 degrees celcius naman sa Baguio City.
Ayon kay Engineer Larry Esperanza ng PAG-ASA Baguio, ang temperatura sa Atok, Benguet ay mas mababa ng 3 degrees celcius o higit pa kumpara sa City of Pines.
Sa ngayon ay patuloy pa ring nararanasan ang malamig na klima kung saan kaninang umaga ay naitala ang 13 degrees celcius na pinakamababang temperatura sa Baguio City.
Matatandaang noong nakaraang taon ay naitala ang 10 degrees celcius na pinakamababang temperatura noong Enero sa nakaraang taon habang ang pinakamababang temperatura naman na naitala sa buong kasaysayan ng Summer Capital of the Philippines ay 6.3 degrees celcius noong Enero 1961.
Karaniwang naranasan ang malamig na klima sa Baguio at Benguet mula Disyembre hanggang Pebrero sa bawat taon dahil sa hanging Amihan na nagdadala ng malamig na simoy ng hangin mula sa mga natutunaw na niebe sa Siberia.