Mas mapayapa umano ang kauna-unahang BARMM elections kumpara sa mga nagdaang halalan sa Marawi City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Abu Mujahid Maulana Mamutuk, convenor ng civil society group na AMANA-BARM, sinabi nitong malaki ang pagkakaiba ng kasalukuyang halalan kumpara sa mga nakaraang eleksyon.
Ayon kay Mamutuk, naging kapansin-pansin ang presensya ng mga tauhan ng PNP at AFP, kabilang ang mga batalyon at election volunteers, na nagbantay sa mga polling precinct.
Aniya, kung ikukumpara sa mga nagdaang halalan sa Cotabato, Maguindanao at Lanao del Sur, naging mas mapayapa at maayos umano ang kasalukuyang halalan.
Ipinaliwanag niya na sa mga nakaraang eleksyon ay may mga insidente ng kaguluhan at may mga nasasaktan maging sa loob mismo ng mga polling precinct. Sa pagkakataong ito, wala umanong naitalang kaguluhan sa Marawi City at Lanao del Sur.
Isa umano sa mga naging factor ang presensya ng AFP, PNP at mga volunteers na nagbantay sa halalan.
Ayon kay Mamutuk, naging positibong senyales din ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, na nakatulong umano upang maging mapayapa ang proseso ng halalan.
Samantala, halos lahat umano ng mga nanalo sa Marawi City ay naiproklama na.
Inaasahan naman ni Mamutuk na magkakaroon ng pagkakaisa ang mga halal na miyembro ng parliament upang maisulong ang mga programa para sa kaunlaran ng lalawigan at lungsod.
Maganda rin umano ang naging partisipasyon ng mga botante, kung saan tinatayang umabot sa 80 porsyento ang election turnout sa ilang lugar.
