Mapayapa umano ang isinasagawang unang Bangsamoro parliamentary election sa Marawi City at Lanao del Sur matapos maipamahagi ang mga balota sa iba’t ibang munisipalidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Abu Mujahid Maulana Mamutuk, convenor ng civil society group na AMANA-BARMM, sinabi niyang wala silang naitalang untoward incident sa kanilang lugar.
Kabilang umano sa mga maagang nakaboto sa isang presinto sa Marawi City si Commander Bravo, dating kumander ng MILF at kasalukuyang miyembro ng Bangsamoro Parliament. Nauna na rin nitong sinabi na handa siyang lumaban sakaling magkaroon ng dayaan sa halalan.
Binubuo ang BARMM ng limang lalawigan: Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi.
Ayon kay Mamutuk, dating kabilang sa BARMM ang Sulu ngunit hindi ito nakibahagi sa plebisito kaya, batay sa naging desisyon ng Korte Suprema, hindi na ito kabilang sa autonomous region.
Samantala, kaugnay ng naganap na kaguluhan sa Cotabato, sinabi ni Mamutuk na isa sa kanilang pangamba ang posibleng malakihang kaguluhan sa pagitan ng iba’t ibang partido o faction ng MILF.
Dalawa umano sa kasalukuyan ang partidong may kaugnayan sa MILF—ang United Bangsamoro Justice Party at Bangsamoro Federalist Party. Ayon kay Mamutuk, kapwa pabor ang mga ito sa isinagawang halalan.
Tungkol naman sa seguridad, sinabi niyang kabilang sa pinakamalaking security deployment ng pamahalaan ang isinagawa ngayong halalan kumpara sa mga nakaraang eleksyon.
Gayunman, sinabi niyang nagdulot din ito ng pangamba sa ilang residente kaya kapansin-pansing kakaunti ang mga taong nagtungo sa mga presinto kumpara sa regular na halalan.
Nagsimula ang pagboto alas-5 ng umaga at nagtapos alas-3 ng hapon.
Samantala, sinabi rin ni Mamutuk na talamak umano ang vote buying sa kanilang lugar, ngunit hindi ito agad natutugunan dahil wala umanong naisasampang kaso.
Kabilang umano sa ginagamit na paraan ang pagpapadala ng pera sa pamamagitan ng GCash.






