Isang batang Igorota ang muling nagtaas ng bandera ng Cordillera sa international sports scene matapos humakot ng mga medalya sa katatapos lamang na AAU USA Taekwondo National Championships na ginanap sa Salt Lake City, Utah.
Siya si Erza Doligas, 9-anyos, tubong Baguio City at kasalukuyang naninirahan sa Las Vegas kasama ang kanyang mga magulang.
Umangat si Erza sa naturang kompetisyon matapos masungkit ang dalawang gold medals — isa sa individual poomsae at isa sa team poomsae, habang nakakuha naman siya ng bronze medal sa demonstration category.
Bago sumabak sa national level, una siyang nagpakitang-gilas sa regional competition noong Marso kung saan siya ay nakakuha ng kwalipikasyon para makalaban sa nationals na ginanap mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 5, 2025.
Sa kabila ng kanyang murang edad, determinado si Erza sa kanyang pagsasanay. Bukod sa kanyang training sa U.S., patuloy rin siyang kumukuha ng online training mula sa kanyang coach sa Baguio City dalawang beses kada linggo.
Nagsimula si Erza sa Taekwondo noong siya’y 5-taong gulang pa lamang, matapos maengganyo sa panonood at paggaya sa mga atleta sa telebisyon.
Noong siya’y 8 taong gulang, sinimulan na rin niyang sumali sa mga kumpetisyon sa tulong ng kanyang mga coach at buong suporta ng kanyang pamilya.
Ipinagmamalaki siya ng kanyang mga magulang na sina Nerissa Doligas, isang nephrology nurse, at Erronn Van Doligas, isang oncology nurse — kapwa tubong Baguio City at dating mga atleta rin.
Sa ngayon, layunin ni Erza na makasali sa Junior Olympics, ngunit aminado siyang marami pa siyang kailangang pagdaanan at paghusayin para marating ito.
Bagamat tutok sa sports, hindi rin pinababayaan ni Erza ang kanyang pag-aaral dahil pangarap din niyang maging doktor balang araw.