![](https://img.bomboradyo.com/baguio/2025/02/UPDATED-COMELEC-LOGO-2-11182022-1.jpg)
Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) na bawal magbigay ng pagkain o inumin sa mga tagasuporta sa panahon ng kampanya.
Ito ang inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa pagsisimula ng campaign period ngayong araw para sa mga kumakandidato sa Senado at party-list.
Sa ilalim ng Article X, Section 89 ng Omnibus Election Code (OEC), ipinagbabawal sa sinumang kandidato, partido, o kahit sino ang pagbibigay o pagtanggap ng libre o direktang transportasyon, pagkain, inumin, o anumang may halaga sa loob ng limang oras bago at pagkatapos ng pampublikong pagtitipon, isang araw bago ang eleksyon, at mismong araw ng eleksyon.
Samantala, pinapayagan naman ng Comelec ang pagmimigay ng campaign souvenirs gaya ng ballers, sumbrero, at t-shirt basta may pahintulot mula sa Comelec.
Sa pagsisimula rin ng “Oplan Baklas”, nagbabala si Garcia na ang mga kandidatong hindi magtatanggal ng mga iligal na campaign materials sa loob ng tatlong araw ay maaaring humarap sa kasong paglabag sa eleksyon o diskwalipikasyon.
Ayon sa kanya, ang campaign materials ay itinuturing na iligal kung hindi sumusunod sa tamang sukat, materyales, at kung nakapaskil sa mga poste ng kuryente o puno.
Batay sa Comelec Resolution No. 11111, dapat gawa sa tela, papel, karton, o anumang recyclable materials ang election propaganda.