Bombo Radyo Baguio

BCPO, inilunsad ang kauna-unahang active threat response drill sa Baguio City National High School

Ipinaliwanag ng Baguio City Police Office (BCPO) na layunin ng kauna-unahang Aggressive Behavior and Safety Response Drill na isinagawa sa Baguio City National High School (BCNHS) na ihanda ang mga mag-aaral at school authorities sa tamang pagtugon sa isang active threat sa loob ng paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng BCPO, sinabi niyang mahalagang malaman ng mga mag-aaral at school authorities kung paano tutugon sa active threat, lalo na dahil sa mga nagdaang insidente ng pamamaril sa ilang paaralan sa Pilipinas.

Ayon kay Tagel, isinagawa ang drill upang masubukan ang response plan at matukoy kung epektibo ang mga nakalatag na pamamaraan. Aniya, hindi lamang ito simpleng paghahanda dahil kinakailangang aktuwal na subukan ang plano upang mas maunawaan ng mga kasangkot ang kanilang gagawin sakaling magkaroon ng totoong insidente.

Sinabi rin ng opisyal na ilang buwan itong pinagplanuhan dahil hindi basta-basta maaaring isagawa ang ganitong uri ng drill.

Ipinaliwanag ni Tagel na ang pangunahing mantra sa pagtugon sa active threat ay “Run, Hide, Tell and Fight.”

Bago umano tumakbo, mahalagang matukoy muna kung saan nanggagaling ang banta upang maiwasan ang aggressor. Dapat munang mag-drop at obserbahan ang paligid upang malaman kung saan nagmumula ang putok o banta.

Kung may ligtas na pagkakataon, maaaring tumakbo palayo sa lugar. Ngunit kung hindi posible ang paglikas, kailangang magtago at i-lock ang classroom kung kinakailangan. Kapag ligtas na nakapagtago, dapat ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang sitwasyon at lumaban lamang kung kinakailangan at wala nang ibang ligtas na opsyon.

Sa isinagawang drill sa BCNHS, sinabi ni Tagel na nasunod naman ang nakalatag na response plan. Napag-usapan din ang pangangailangan na magkaroon ng universal alarm system para sa active threat na hiwalay sa alarm system na ginagamit para sa lindol at iba pang emergency.

Ang Aggressive Behavior and Safety Response Drill ay isinagawa noong August 25, 2026 sa Baguio City National High School at pinangunahan ng BCPO sa koordinasyon sa City Government of Baguio, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Department of Education, City Health Services Office, private psychologists, Baguio City Emergency Medical Services at iba pang concerned agencies.

Exit mobile version