Bombo Radyo Baguio

BCPO, nagpatupad ng road closures para sa 117th Baguio Day

BAGUIO CITY — Nagpatupad ang Baguio City Police Office (BCPO) ng pansamantalang pagsasara ng ilang pangunahing kalsada sa lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang ng 117th Baguio Day mula Agosto 29 hanggang Setyembre 1, 2026.

Kabilang sa isasara ang parehong lane ng Session Road at bahagi ng Calderon Street, gayundin ang ilang bahagi ng Upper Mabini Street, Father Carlu Loop, Magsaysay Avenue, Perfecto Street at Session Rotunda.

Ayon sa traffic advisory ng BCPO, isasara ang mga nabanggit na ruta upang bigyang-daan ang mga aktibidad ng Baguio Day, kabilang ang fair at mga cultural activity.

Pinapayuhan ang mga motorista na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.

Mahigpit ding ipatutupad ang no-parking policy sa mga itinalagang kalsada, kabilang ang Session Road, Magsaysay Road, Perfecto Street, General Luna Road, Bonifacio Street, Mabini Street, Governor Pack Road at iba pa.

Hinimok ng BCPO ang publiko na makipagtulungan at sumunod sa mga traffic advisory para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng Baguio Day 2026.

Exit mobile version