--Ads--

Nagpahayag ng pag-aalala ang Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI) kaugnay ng insidenteng naganap habang isinasagawa ang fireworks display bilang bahagi ng pagsasara ng Panagbenga Festival 2026 noong gabi ng Marso 8 malapit sa skating rink ng Burnham Park.

Ayon sa BFFFI, nananatiling pangunahing prayoridad ng organisasyon ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente at mga bisita. Ipinahayag din nito ang pag-aalala sa mga nasugatan sa insidente at ang hangaring sila ay tuluyang gumaling sa lalong madaling panahon.

Kaagad umanong nakipag-ugnayan ang BFFFI sa City Government of Baguio, sa mga awtoridad ng kapulisan, at sa operator ng fireworks display matapos itong ipagbigay-alam sa kanila. Patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon at plano ring dalawin sa ospital ang mga nasugatan.

Ipinaliwanag ng foundation na ang fireworks display ay isinagawa ng isang lisensyadong propesyonal na operator. Batay sa impormasyong kanilang natanggap, nakipag-ugnayan na umano ang operator sa mga apektadong indibidwal at nangakong sasagutin ang kanilang gastusing medikal.

Suportado rin ng BFFFI ang kasalukuyang imbestigasyon upang matukoy ang mga pangyayari na nagdulot ng insidente. Ayon sa organisasyon, makikipagtulungan sila sa mga kinauukulang ahensya at mga partner upang repasuhin at higit pang paigtingin ang mga safety protocol para sa mga susunod na aktibidad.

Nagpasalamat din ang BFFFI sa pang-unawa ng publiko at tiniyak na mananatiling pangunahing konsiderasyon ang kaligtasan ng lahat ng dumadalo sa mga aktibidad ng festival.