BAGUIO CITY- Nadagdagan pa ang bilang ng mga drug affected na barangay sa rehiyon Cordillera.
Sa panayam ng Bombo Radyo- Baguio kay Atty. Joseph Calulut, spokesperson ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera, sinabi niya na sa ngayon ay aabot na sa 47 na barangay sa rehiyon ang naitala nilang apektado ng iligal a droga.
Nilinaw niya na ito ay dahil nananatili pa rin ang koneksyon ng ilang mga barangay officials sa iligal na droga.
Dahil dito, sinabi niya na hanggad nilang tanggalin muli sa kanilang listaan ang mga nasabing barangay sa pamamagitan ng tulong ng mga barangay officials.
Umapela naman ito sa mga mahahalal na bagong opisyal ng barangay na kanilang tutukan ang paglilinis sa kanilang lugar upang maideklara itong drug cleared at upang manatili din itong malinis mula sa mga gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Atty. Calulut na lahat ng mga barangay sa rehiyon Cordillera ay mayroong Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).










