BAGUIO CITY – Umakyat na sa pito ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi habang dalawa pa ang patuloy na pinaghahanap matapos ang serye ng pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga puno dulot ng hagupit ng Super Typhoon Uwan sa Cordillera Region.
Sa Tinoc, Ifugao, nasawi ang isang magsasaka matapos matabunan ng gumuhong lupa habang natutulog sa kanyang kubo noong Nobyembre 9.
Sa lalawigan ng Benguet, kinumpirma ni Governor Melchor Diclas na tatlong katao ang nasawi — dalawa sa bayan ng Buguias at isa sa Kabayan — pawang biktima rin ng landslide kahapon, Nobyembre 10.
Sa Barlig, Mountain Province, isang 57-anyos na lalaki ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa bandang alas-tres ng madaling-araw noong Nobyembre 10.
Samantala, sa Western Uma, Lubuagan, Kalinga, nasawi rin ang dalawang indibidwal na sina Eric Magwin at Aki Magwin dahil sa pagguho ng lupa, habang patuloy namang pinaghahanap ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Kagawad Redento Tino at Ricardo Magwin.
Inaasahan namang madaragdagan pa ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang beripikasyon ng mga awtoridad, lalo na sa Ifugao, na matinding naapektuhan ng pagbagsak ng mga puno at pagguho ng lupa.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na datos ang Department of Social Welfare and Development – Cordillera hinggil sa kabuuang bilang ng mga apektadong pamilya sa rehiyon.
Gayunman, ilang kabahayan sa mga lalawigan ng Kalinga at Mountain Province ang naiulat na nasira dahil sa malalakas na hangin at ulan.
Sa Tanudan, Kalinga, tinangay ng rumaragasang tubig ang dalawang silid-aralan ng Lubo Elementary School, habang ilang paaralan sa Mountain Province at Benguet ang nagtamo rin ng pinsala dahil sa masungit na panahon.
May mga kalsada at tulay din sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera Administrative Region na hindi pa rin madaanan dahil sa landslide, pagbaha, at mga nakaharang na puno. Patuloy namang nagsasagawa ng clearing operations ang mga tauhan ng DPWH at lokal na pamahalaan.
Nananatili ring may malawakang power interruption sa Baguio City at Benguet Province. Ayon sa mga awtoridad, inaasahan ang full restoration ng suplay ng kuryente sa Miyerkules matapos masira at matumba ang ilang poste.
Sa kabila ng kalamidad, nagpapatuloy ang pagtulong ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng gobyerno, at pribadong establisimyento sa pamamagitan ng libreng charging stations at pansamantalang shelters para sa mga apektadong residente.
Samantala, sa Baguio City, walang naitalang nasawi gaya sa ibang bahagi ng rehiyon. Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Engr. Richard Benjamin Lardizabal, Head ng City Engineering Office, na “manageable” ang mga lagoons, kanal, at creek sa lungsod kaya’t walang naitalang pagbaha.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pabugso-bugsong pag-ulan na may kasamang malalakas na hangin sa Baguio City at Benguet Province.
Dahil dito, suspendido pa rin ang klase sa lahat ng antas, sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong rehiyon ngayong araw.
Samantala, magpapatuloy na ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at pinapayuhan ang mga empleyado na mag-ingat at manatiling nakaantabay sa mga opisyal na anunsyo ng pamahalaan.





