--Ads--

Nag-alok ang billionaire entrepreneur na si Elon Musk at ang kanyang grupo ng $97.4 bilyon o katumbas ng P5.473 trilyon upang bilhin ang OpenAI, ang kumpanyang lumikha ng ChatGPT.

Ito ay isang hakbang upang pigilan ang OpenAI na maging isang kumpanyang may layuning kumita, mula sa pagiging isang nonprofit.

Agad namang umalma ang tech entrepreneur at investor na si Sam Altman, ang CEO ng OpenAI, at sinabi sa kanyang social media account: “no thank you but we will buy twitter for $9.74 billion if you want.”

(No thank you, pero bibilhin namin ang Twitter sa halagang $9.74 bilyon kung gusto mo).

Si Musk ay isa sa mga nagtatag ng OpenAI noong 2015, pero umalis bago pa ito sumikat.

Itinatag niya ang kanyang AI o Artificial Intelligence na kumpanya, xAI noong 2023.

Ang OpenAI ay isang kumpanya na gumagawa ng matatalinong computer program, tulad ng ChatGPT, na kayang sumagot at makipag-usap na parang tao.

Bakit Gustong Bilhin ni Elon Musk ang OpenAI?

Sa isang pahayag, sinabi ni Musk na gusto niyang i-balik ang OpenAI sa pagiging isang organisasyong may layuning pangkalahatan at hindi lang kumita ng pera.

Inakusahan niya si Altman at ang kasalukuyang pamunuan ng OpenAI ng pagtalikod sa kanilang orihinal na misyon.

Ipinaliwanag naman ng ng OpenAI na kailangang maging for-profit ang bagong OpenAI upang makalikom ng malaking pondo at makapagpatuloy sa mas advanced na pag-develop ng AI.

May Pag-Asa Bang Mabili ng Grupo ni Musk ang OpenAI?

Ang OpenAI ay may halagang $157 bilyon kaya malaki ang kailangang puhunan ng grupo ni Musk para bilhin ito.

Bukod dito, may iba pang kumpanya, tulad ng SoftBank at Khosla Ventures na nag-aalok ng malaking puhunan sa OpenAI.

Ayon sa mga eksperto, maaaring makaapekto ang alok ni Musk sa kasalukuyang mga plano ng OpenAI, lalo na sa pangangalap ng pondo at sa kanilang pagbabagong-anyo bilang isang kumpanyang pangnegosyo.

Sa ngayon, mariing sinabi ni Altman na hindi ipinagbibili ang OpenAI.

Wala pang opisyal na tugon mula sa Microsoft, na isa sa mga pangunahing tagasuporta ng OpenAI.