--Ads--

Inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nakakaalarma ang halaga ng pondong nakapaloob sa tinatawag na “Cabral files” na hawak niya mula pa noong Setyembre, noong siya ay imbestigador at special adviser pa lamang ng ICI.


Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Magalong na nagulat siya sa laki ng pondong inilaan sa bawat distrito—umaabot umano sa ₱3 bilyon, ₱4 bilyon, ₱5 bilyon, ₱13 bilyon, at maging ₱19 bilyon. Kinuwestiyon niya ang napakalaking halaga ng mga allocables, lalo na’t ayon sa isang engineer ng DPWH na kanyang nakausap, nasa ₱1.5 bilyon hanggang ₱2 bilyon lamang kada taon ang absorbing capacity ng isang distrito.


Nauna nang ipinakita at isinumite ang naturang mga file sa ICI at CIDG, gayundin kay DPWH Secretary Vince Dizon. Ayon pa kay Magalong, nagulat umano si dating DPWH Undersecretary Cabral nang humarap ito sa ICI at mapansing may hawak siyang mga dokumento. Aniya, tila mababasa sa mukha ni Cabral ang pagtataka kung paano napunta sa kanya ang mga file.


Ibinunyag din ni Magalong na kabilang sa mga pinakamalalaking tumanggap ng pondo ang dating House Speaker na si Martin Romualdez, na umano’y nasa top 3. Ayon sa kanya, ₱4.8 bilyon ang pondo ni Romualdez noong nakaraang taon, ngunit matapos ang Bicameral Conference ay umabot umano ito sa ₱19 bilyon.


Nang tanungin kung bakit wala pang ebidensiyang magtuturo na sangkot si Romualdez sa mga flood control projects, ipinaliwanag ni Magalong na kinakailangan ng testigo na may personal na kaalaman at makapagpapatunay na may aktuwal na pagdadala ng pera. Dagdag pa niya, kung mahina ang imbestigasyon, walang sapat na ebidensiyang makukuha, kaya mahalaga ang masusing at matibay na imbestigasyon.