Patuloy na nangunguna ang Bombo Radyo bilang pangunahing pinagkukunan ng balita at impormasyon ng mga adult Filipinos, batay sa pinakahuling ulat ng OCTA Research.
Ayon sa datos, 39% ng mga adult Filipinos ang nagtuturing sa Bombo Radyo bilang kanilang pangunahing pinagkukunan ng balita at impormasyon.
Pumapangalawa ang Brigada News FM na may 33% at sinusundan ng Super Radyo DZBB na may 21%.
Pinakamalakas ang presensya ng Bombo Radyo sa Mindanao, kung saan 54% ng mga adult Filipinos ang regular na nakikinig. Nananatili rin ang impluwensya nito sa iba pang bahagi ng bansa tulad ng Balance Luzon (26%) at Visayas.
Samantala, malaki rin ang audience share ng Brigada News FM, lalo na sa Mindanao (63%) at Visayas (44%).
Sa kabilang banda, mas malakas ang presensya ng Super Radyo DZBB sa Balance Luzon (46%) at NCR (41%).
Ang datos na ito ay nagpapakita ng patuloy na masiglang kumpetisyon sa industriya ng radyo sa bansa, na nag-aalok ng iba’t ibang pagpipilian para sa mga tagapakinig.
Samantala, sa larangan ng telebisyon, nangunguna ang GMA Network bilang pangunahing pinagkukunan ng balita at impormasyon ng mga adult Filipinos.
Batay sa Tugon ng Masa (TNM) survey, 90% ng mga adult Filipinos ang nanonood ng balita sa GMA Network.
Kasunod nito ang TV5 na may 56%, ABS-CBN na may 41%, PTV na may 14%, at A2Z na may 13%.
Ang resulta ay mula sa Tugon ng Masa nationwide survey, isang independent at non-partisan na pag-aaral na isinagawa mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 16, 2024.
Saklaw nito ang 1,200 respondents na may edad 18 pataas mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.