BAGUIO CITY – Bumaba ang lebel ng tubig sa Burnham Lake, isa sa sikat na pasyalan sa lungsod ng Baguio kung saan posible itong maipasara kung magpapatuloy ang nasabing hamon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Administrator Engineer Bonifacio dela Peña, ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Burnham lake ay epekto ng recharching ng aquifer at subsurface na dulot ng nararanasang El Niño phenomenon sa lungsod.
Ayon kay dela Peña, pwede pang magsagawa ng boating activity kung nasa tatlong talampakan ang lebel ng tubig sa burnham lake pero kung bababa pa ito ay posible itong maipasara.
Sinabi naman ng nasabing opisyal na hiniling nila sa Baguio Water District na dagdagan nila ang tubig sa Burnham lake para hindi tuluyang bababa ang lebel nito.
Aniya, punong-puno ng isda ang nasabing lake kaya makailang ulit na rin na isinagasawa ang fishing tournament para sa mga fishing enthusiast at sa mga nagnanais mamingwit ng isda.
Ayon pa kay Dela Peña, titignan nila ang pagbalanse sa suplay ng tubig na mailalagay sa Burnham lake para hindi rin maapektuhan ang pangangailan ng mga residente ng lungsod.
Samantala, pinangangambahan naman ngayon ng mga boat concessionaires ang posibleng pagkalugi at pagkawala ng kanilang trabaho dahil sa naturang problema na kinakaharap ng mga ito.