Isinagawa ng Regional Project Management Office ng CAR-APA Project ang Pre-Free, Prior and Informed Consent o Pre-FPIC kasama ang mga opisyal ng NCIP, Community Service Centers, at FAO noong Enero 21 sa DA CAR Old Conference Hall.
Layunin ng aktibidad na tiyakin na malinaw na naipapaliwanag sa mga katutubo ang layunin at plano ng APA Project, at kanilang karapatan na makibahagi sa mga desisyon na may epekto sa kanilang ancestral domains.
Binigyang-diin ni Marlyn Tejero, Technical Advisor ng Regional Executive Director, ang kahalagahan ng tiwala at bukas na komunikasyon, pati na rin ang pagsasama ng Gender and Development, kabataan, at iba pang stakeholder para sa inklusibong talakayan.
Ipinakilala naman ni Psyche Mae Asencio ng FAO ang background at estruktura ng proyekto, kabilang ang pagbuo ng Indigenous Peoples Plan sa pamamagitan ng participatory Training of Trainers. Ipinaliwanag rin ni Ruby Labinghisan ang mga safeguard mechanisms, tulad ng Environmental and Social Management Plan, stakeholder engagement, at Grievance Redress Mechanism, upang masiguro ang accountability sa implementasyon.
Tinalakay din ang mga alalahanin ng NCIP at mga CSC, kabilang ang dokumentasyon, lokasyon ng mga farmers cooperatives at associations, at ang pagbabalik sa komunidad ng Indigenous Knowledge Systems and Practices para sa beripikasyon. Pinagtibay ang kahalagahan ng pagpapatibay sa IP organizations at mas maayos na koordinasyon sa ibang ahensya.
Nilinaw ng NCIP na ang FPIC assemblies ay isasagawa sa mga proyekto sa ancestral domains, lalo na kung ipinaabot ng komunidad ang hindi pagtanggap, alinsunod sa IPRA Law.






