
BAGUIO CITY — Isinulong ni Councilor Edison Bilog ang isang panukalang ordinansa na magbibigay ng cash incentives sa honor graduates at financial assistance sa mga residente na kukuha ng bar o iba pang professional board examinations.
Layunin ng panukala na hikayatin ang mataas na academic achievement, itaguyod ang professional development, at pamuhunan sa human capital ng lungsod.
Ayon sa panukalang Baguio City Academic Excellence and Professional Advancement Incentive Ordinance, dapat ay tunay na residente ng Baguio sa loob ng hindi bababa sa tatlong taon bago magtapos o kumuha ng board exam ang mga benepisyaryo.
Kinakailangan ding naka-enroll o nagtapos sila sa isang educational institution na kinikilala ng gobyerno at matatagpuan sa lungsod.
Itinatakda ng ordinansa ang mga cash incentives para sa honor graduates sa bachelor’s at associate degree levels.
Para sa bachelor’s degree graduates:
-Summa cum laude – P30,000
-Magna cum laude – P25,000
-Cum laude – P20,000
Para naman sa associate degree graduates:
-Valedictorian – P10,000
-Salutatorian – P5,000
Dagdag pa rito, ang mga graduates na kukuha ng bar o iba pang professional board exams ay may karapatang makatanggap ng isang beses na financial assistance na P10,000 bilang suporta sa kanilang professional development.
Ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at City Treasurer’s Office, kasama ang iba pang tanggapan na itatalaga ng City Mayor, ang magiging responsable sa pagpapatupad ng programa.
Ang City Mayor naman ang inaatasang maglabas ng mga implementing rules at regulations sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng ordinansa.
Sa kasalukuyan, ang panukalang ordinansa ay naaprubahan na sa first reading ng Baguio City Council at inirefer sa Committee on Appropriations and Finance Cluster A para sa karagdagang pagsusuri.








