--Ads--

Natukoy ng mga miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang kabuuang 63 prayoridad na proyekto na popondohan para sa taong 2026.

Inilahad ang mga proyektong ito sa unang quarter meeting ng konseho na ginanap noong Marso 24, 2026. Pinangunahan ang pulong ni Engr. Charles Bryan Carame, Officer-in-Charge ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), sa patnubay ni Benjamin B. Macadangdang na kumatawan kay Mayor Benjamin B. Magalong, tagapangulo ng konseho.

Karamihan sa mga nakalistang programa, proyekto, at aktibidad ay nakatuon sa rehabilitasyon at recovery mula sa mga sakuna, na pangungunahan ng City Engineering Office at City Buildings and Architecture Office.

Ang mga naturang proyekto ay iminungkahi ng iba’t ibang implementing offices sa pakikipag-ugnayan sa 128 barangay ng lungsod.

Ipinresenta rin sa pulong ang mga update hinggil sa 2026 plans, programs, at activities na sumasaklaw sa apat sa limang thematic areas ng DRRM. Kabilang dito ang Disaster Preparedness Committee update na inilahad ni Ms. Donna Grace Casuga ng CDRRMO; Disaster Response Committee update ni Ms. Dolores Busacay ng City Social Welfare and Development Office; Disaster Rehabilitation and Recovery Committee update ni Engr. Rodel Lagare ng City Engineering Office; at Climate Change Mitigation Committee update ni Forester Floro Bastian ng City Environment Parks and Management Office.

Samantala, ang update mula sa Disaster Prevention and Mitigation Committee ay inaasahang ilalahad ng City Planning, Development, and Sustainability Office sa ikalawang quarter na full council meeting.